-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak ng mga mamamayan ng Amerika ang hatol kay dating US President Donald Trump sa lahat ng 34 counts ng pamemeke ng kaniyang business records.

Ayon kay Darlene D. Borromeo, Adviser ng Soccsksargen Inc. USA na nagbunsod ang nasabing kaso dahil sa pagbabayad ni Trump ng $130,000 sa isang adult star na si Stormy Daniels para manahimik sa kanilang relasyon.

Inihayag nito, ito ang unang pagkakataon na ang dati o kasalukuyang pangulo ay nahatulan ng isang kaso.

Aniya, sa ngayon ay patuloy na kumikilos ang campaign committee ni Trump para makalikom ng US$ 53Million para suportahan ang muling pagtakbo bilang US President.

Dahil sa hatol, hindi na tiyak na lahat ng supporters ay susuporta pa rin kay Trump na posibleng makapagbago sa desisyon bago pa ang US Election sa buwan ng Nobyembre.
Dahil felon na si Trump, hindi na ito maaaring bumiyahe sa United Kingdom, North Canada at ilang US States kagaya ng Florida kung saan nagmula ang dating US President.

Nalaman na bawal sa Florida ang isang felon na bumoto.

Samantala, iginiit ni Borromeo na masyado pang maaga para malaman kung ano ang kahahantungan ng political career ni Trump ngayong kombiktado na ito.

Aniya, kahit ang mga Filipino na registered voters sa Amerika ay may kanya-kanyang desisyon kung sino ang kanilang susuportahang Presidente sa susunod na halalan.