Pinagtibay pa ng Kuwaiti appellate court ang hatol na guilty ng suspek sa pamamaslang sa overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.
Ito ang iniulat ng Department of Migrant Workers makalibas ang halos limang buwan mula nang makulong ang suspek sa kaso na anak mismo ng kaniyang mga among pinagtatrabahuhan sa naturang bansa.
Ayon kay DMW officer in charge Hans Leo Cacdac, sa ngayon ay naipaalam na nila ito sa pamilya ni Ranara.
Kasabay nito ay tiniyak din ng opisyal sa naulilang kaanak ni Ranara na magpapatuloy pa rin ang pagpapaabot na tulong at suporta ng ahensya sa kanila bilang pagtugon na rin sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, kaugnay nito ay agad din na ipinag-utos ni Cacdac sa Migrant Workers Office sa Kuwait na makipag-ugnayan sa retained legal counsel ng kagawaran para naman sa paghahain ng civil action for damages laban sa ama ng arestadong suspek.
Matatandaang kalunus-lunos ang sinapit ni Ranara sa kamay ng 17 taong gulang na anak ng kaniyang amo matapos itong gahasain, paulit-ulit na sagasaan, sunugin at abandonahin sa isang disyerto sa Kuwait.