LAOAG CITY – Nagulat ang mga Pilipino at residente sa Hawaii matapos mabalitaang naitala ng Hawaii Department of Health ang umano’y unang kaso ng Coronavirus Disease.
Sa ulat ni Bombo international correspondent Manny Pascua sa Hawaii, isang lalaking turista na Hapon na 65-anyos ang umano’y nagpositibo sa COVID-19.
Aniya, nagbakasyon ang Hapon sa Maui island noong Enero 28 hanggang Pebrero 3 ngayong taon, lumipad patungong Honolulu sakay ng Hawaiian Airlines flight 265 at nanatili sa isang condominium sa Waikiki.
Sinabi ni Pascua na hindi naman agad nahawaan ang turista ng nasabing virus dahil nagkaroon lamang ng mataas na lagnat noong nakabalik na sa Japan.
Sa ngayon ay patuloy ang pagtrace ng mga health official sa mga napuntahan ng hapon sa Maui at sa condominium sa Waikiki.
Dagdag ni Pascua na base kay Dr. Allan Wu na mababa ang porsyento na nakahawa ang Hapon sa mga tao sa paligid niya dahil wala pang mga sintomas na nakita sa kanya.