Kapwa nagtala nang panalo sa magkakahiwalay na laro sa pagtatapos ng NBA play-in tournament ang Atlanta Hawks at New Orleans Pelicans.
Sa unang laro, muli na namang namayagpag ang All-Star guard na si Trae Young upang bitbitin sa panalo ang Hawks laban sa Cleveland Cavaliers, 107-101.
Nagtala si Young ng 32 points mula sa kanyang kabuuang 38 points sa second half upang dalhin ang Hawks sa Eastern Conference bilang No. 8 sa playoff seed.
Ang panalo ng Atlanta ay sa kabila na dumanas ng knee injury ang kanilang center na si Clint Capela.
Sa third quarter pa lamang ay kumamada na si Young ng 16 points upang iangat ang Hawks mula sa 10-point halftime deficit.
Halatang hindi kinaya ng mas batang Cavs players na tapatan si Young na sa fourth quarter ay muli na naman itong nagbuhos ng 16 points.
Tumulong din si Bogdan Bogdanovic na nagpakita ng 19 points para sa Atlanta.
Dahil sa kompleto na ang walong teams sa playoffs makakaharap ng Hawks sa first round ang No. 1 seed na Miami Heat.
Ang Game 1 ay gaganapin sa Lunes sa homecourt ng Heat sa South Florida.
Kung maalala noong nakaraang taon umabot pa sa conference finals ang Hawks.
Sa ibang game naman nasilat ng Pelicans ang Los Angeles Clippers, 105-101 para umusad din sila sa Western Conference bilang seeded No. 8.
Naiposte ng Pelicans ang come-from-behind win mula sa 13-point deficit sa fourth quarter.
Pero bago ito sa first half ay lumamang pa ng 16 points ang Pelicans pero nahabol ito ng Clippers.
Nanguna sa diskarte ng Pelicans sina Brandon Ingram na may 30 points, CJ McCollum na nagdagdag ng 19 points at si Larry Nance Jr. na nagtapos sa 14 points at 16 rebounds.
Dahil dito makakaharap ng New Orleans ang No. 1 seed at powerhouse na Phoenix Suns sa first round sa Game 1 sa Lunes.
Huling nakatuntong ang Pelicans sa playoffs ay noon pang 2017-18.
Kung maalala hindi rin nakalaro ngayong buong season sa New Orleans si Zion Williamson bunsod ng foot injury.
Masaklap naman ang pagkatalo ng Clippers dahil ang isa sa kanilang superstar na si Paul George ay tinamaan ng COVID-19 dahilan para isailalim siya sa health and safety protocols bago ang game.
Si Kawhi Leonard naman ay patuloy pa ring sumasailalim sa rehab bunsod ng ACL injury.
Eastern Conference
- Miami Heat
- Boston Celtics
- Milwaukee Bucks
- Philadelphia 76ers
- Toronto Raptors
- Chicago Bulls
- Brooklyn Nets
- Atlanta Hawks
Western Conference
- Phoenix Suns
- Memphis Grizzlies
- Golden State Warriors
- Dallas Mavericks
- Utah Jazz
- Denver Nuggets
- Minnesota Timberwolves
- New Orleans Pelicans
First round series matchups:
Eastern
Miami Heat vs. Hawks
Boston Celtics vs. Nets
Milwaukee Bucks vs. Bulls
Philadelphia 76ers vs. Raptors
Western
Phoenix Suns vs. Pelicans
Memphis Grizzlies vs. Timberwolves
Golden State Warriors vs. Nuggets
Dallas Mavericks vs. Jazz