CEBU CITY — Binabantayan ngayon ng Environment and Management Bureau (EMB)-7 ang naranasang “haze” sa Metro Cebu dahil sa forest fires na mula sa Indonesia.
Ayon sa tagapagsalita ng EMB-7 na si Engr. Cindylyn Pepito ng makapanayam ng Bombo Radyo Cebu, na nakita sa kanilang monitoring na lumagpas sa safe guideline value ang air quality sa ilang bahagi ng Cebu ilang araw na ang nakalipas.
Napag-alaman na maaaring magresulta sa respiratory tract infection at cardiac ailments ang air pollutant kung malalanghap ito ng bawat tao.
Dagdag pa ni Pepito na hindi pa matitiyak kung kailan mawawala ang haze dahil binabantayan nila ang mga factors nito gaya ng rainfall amount, direksyon ng hangin, at ang lakas ng ihip nito.
Kaya naman pinayuhan ng EMB-7 ang mamamayan na magsuot ng dust mask at eye goggle upang hindi makalanghap ng air pollutants.
Dagdag na payo ni Pepito, na iwasan muna ang mga outdoor activities at manatili na lang sa loob ng bahay.