CAGAYAN DE ORO CITY – Pinayuhan ngayon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) regional director Reynaldo Digamo ang publiko partikular ang indibidwal na mayroong pulmunary health concerns na iwasan muna ang outdoor activities.
Ginawa ni Digamo ang pahayag kasunod ng kumpirmasyon na nakapasok na ang haze o usok sa ilang bahagi ng Northern Mindanao na nagmula sa nasusunog na kagubatan sa mga bansang Malaysia at Indonesia.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Digamo na nasa normal pa raw ang nakarating na usok sa Bukidnon, Misamis Oriental at Cagayan de Oro na pumalo sa 54 microns, na hindi pa naman umano mapanganib sa kalusugan ng tao.
Inihayag ni Digamo na batay sa ambient air quality monitoring, nagsimula ang pagpasok ng usok sa rehiyon noong Setyembre 17.
Dagdag ng opisyal na hindi pa dapat maalarma ang publiko subalit umaasa ito na mapadali ang pag-apula ng Malaysian at Indonesian fire fighters sa kasalukuyang pagkasunog ng kani-kanilang mga kagubatan.
Magugunitang kabilang ang Pilipinas na madali maabutan ng haze ng mga karatig bansa na tinamaan ng forest fires dahil magkapalit lamang ito sa loob ng Asian region.