Mariing kinondena ng Commission on Human Rights ang nangyaring insidente ng hazing na naging dahilan ng pagka hospitalized ng isang menor de edad sa Quezon City.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Police District , lumalabas na ang biktima at miyembro ng Scout Royale Brotherhood Nu- Theta Chapter Fraternity at lumipat ito sa Magic 5 fraternity.
Dahil sa kanyang paglipat ay na-insulto umano ang kanyang dating fraternity brothers kayat binigyan ito ng isang disciplinary action.
Dinala umano ang biktima sa San Roque sa Barangay Pagasa para “disiplinahin” at inilipat muli sa isang tindahan sa kahabaan ng Road 10, kung saan nagsagawa ng hazing ang kanyang mga dating kapatid.
Dahil sa matinding sakit at injury na natamo ng biktima ay hinimatay ito dahilan upang isugod ito sa hospital.
Kasunod nito ay nagsagawa na rin ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights National Capital Region upang mabigyan ng hustisya ang biktima .
Iginiit ng naturang komisyon na dapat lamang na kondenahin ang ganitong uri ng gawain lalo nat may umiiral na Anti- Hazing Law at Anti-Child Abuse Law.
Kinilala naman ng CHR ang mabilis na askyon ng Quezon City Police District upang mabilis na mahuli ang mga suspect habang patuloy na hinahanap ang iba pang sangkot sa naturang insidente.
Posibleng maharap naman sa kasong paglabag sa Anti- Hazing Law at Anti-Child Abuse Law ang presidente ng Magic 5 fraternity,ilang miyembro ng Alpha Kappa Rho International Fraternity at presidente ng SPB fraternity.