-- Advertisements --
jolo1

Pinakikilos ngayon ng Department of Justice (DoJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) para tumulong na ipatupad ang mga order ng korte laban sa siyam na pulis na sangkot sa pagbaril-patay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.

Naglabas na kasi ang Jolo, Sulu Regional Trial Court (RTC) ng arrest warrant at hold departure order (HDO) laban sa mga pulis na sangkot sa krimen.

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na inatasan na nito ang NBI na tumulong para maisilbi ang mga warrant of arrest.

Kabilang sa mga dating pulis na tutugisin ang mga sinibak na sa serbisyo na sina Senior Master Sgt. Abdelzhimar Padjiri, Master Sgt. Hanie Baddiri, Staff Sgt. Iskandar Susulan, Staff Sgt. Ernisar Sappal, Cpl. Sulki Andaki, Staff Sgt. Almudzrin Hadjaruddin, Patrolman na sina Alkajal Mandangan, Mohammed Nur Pasani at Rajiv Putalan.

Una rito, sinabi ni Office of the Prosecutor General Spokesperson Atty. Honey Delgado na inilabas ng Jolo, Sulu RTC Branch 3 ang arrest warrants kahapon.

Kung maalala, pinalaya ng PNP ang siyam na pulis makaraang masibak sa trabaho at mawalan na ng kustodiya sa pambansang pulisya.

Bukod dito, hindi agad naaresto ang mga akusado dahil hindi nakapag-palabas kaagad ang korte ng arrest warrants dahil naka-lockdown ang Sulu at apektado rito ang ilang mga hukom.

Ang Korte Suprema naman ay nagtalaga ng acting judge, para matugunan ang mga kasong nakabinbin sa korte habang hindi pa nakakabalik ang mga orihinal na hukom.

Hunyo noong nakaraang taon nang pagbabarilin ng mga pulis sina Army officers Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Eric Velasco at Corporal Abdal Asula na nagsasagawa noon ng surveilance sa umano’y mga suicide bomber sa lugar.