Positibo ang Securities and Exchange Commission (SEC) na mapapabilis na ang paghahanap kay Kabus Padatoon (KAPA) founder Joel Apolinario ngayong may umiiral nang hold departure order (HDO).
Kaugnay ito ng ipinalabas ng Davao Regional trial Court na HDO laban sa pinuno ng KAPA na sinasabing gumagamit din ng alyas na “Jack,” asawa nitong si Reyna Apolinario.
Kasama rin sa hold order sina Margie Apolinario Danao, Catherine Evangelista, Rene Catubigan alias Pastor Catubigon, Marisol Diaz, Adelfa Fernandico at Moises Mopia.
Maliban dito, kasama rin sa immigration watchlist ang mag-asawang Apolinario, Modie Dagala, Benigno Tipan, Jr., Marnilyn Maturan, Ricky Taer, Joji Tusay at Margie Danao.
Samantala, ang Department of Justice (DoJ) naman ay may hiwalay na subpoena laban kay Apolinario upang masagot nito ang mga kasong kinakaharap mula sa panig ng SEC.
Umaasa si Chairman Aquino na agad na ring mareresolba ng DoJ ang mga ito para mai-akyat sa hukuman.