-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang head nurse ng Rural Health Unit sa bayan ng Bangui dito sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos sumalpok ang sinakyang pick-up sa nakasalubong na Florida bus sa Barangay Dilavo sa bayan ng Pasuquin.

Nakilala ang biktima na si Mr. Noel Modesto y Calivoso, Head Nurse ng Rurak Health Unit sa bayan ng Bangui habang ang driver ng bus ay si Louie Sardeng y Ramos, 51, may asawa at residente sa Barangay Tanggat Sur, Claveria, Cagayan.

Ayon kay Police Major Jonevale Maramag, ang chief of police sa nasabing bayan, base sa kanilang imbestigasyon, nangyari ang insidente sa pakurbang bahagi ng kalsada kung saan nag-overtake ang biktima sa sinusundang truck pero hindi umano agad ito bumalik sa kanyang linya na siyang dahilan naman ng pagsalpukan nila ng nasabing bus.

Dahil sa nangyari ay nagtamo ng malalang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng nasabing head nurse at nasugatan rin ang 13 pasahero ng bus.

Sinabi ni Maramag na dinala ang mga nasugatan sa Rural Health Unit sa bayan ng Pasuquin habang ang driver ng pick-up ay itinakbo sa Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital dito sa lungsod ng Laoag subalit namatay ito habang ginagamot.

Napag-alaman na ang bus ay galing sa Tuguegarao City at pupunta sana ito sa lungsod ng Baguio nung nangyari ang insidente.

Inihayag ni Maramag na sa ngayon ay nanatili sa kanilang kustodya ang driver ng bus at hinihintay nilang makapag-usap ito at sa pamilya ng biktima para malaman kung itutuloy nila o hindi ang pagsampa ng kaso.