-- Advertisements --
Binibini

BAGUIO CITY- Inamin ng isang celebrity fashion stylist na nalulungkot sila sa postponement ng ilang mga national pageants tulad ng Binibining Pilipinas ngunit may positibo naman umano itong dulot sa kompetisyon at maging sa mga kandidata.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Vhee Co, isa sa mga head stylists ng Binibining Pilipinas, sinabi nitong naantala man ang malalaking pageants ay naniniwala naman ito na dahil sa nangyayari ay lalong nakikilala ng mga tao ang mga beauty queens na kanilang sinusuportahan.

Ito raw ay dahil sa iba’t-ibang mga online projects na inilalabas ng bawat kandidata habang sila ay nasa quarantine.

Nakikita rin umano ang pagiging approachable ng mga ito sa social media.

“For this year, ito yung bagay na uncontrollable. Postponed muna po indefinitely yung pageant ng Binibining Pilipinas. Pero ngayon, kahit naka lockdown tayo, meron silang kanya-kanyang mga online projects, ipinapakita kung bakit sila deserving for that crown. Kahit ganito ang nangyayari, makikilala mo talaga sila,” wika ni Co.

Nag-imbita rin naman ito na patuloy na tumutok at suportahan ang Binibining Pilipinas at antabayan ang mga susunod na anunsyo ng organisasyon.

“Abangan niyo po yung mga photoshoot na ginawa namin before the lockdown. Also, you can follow yung mga beauty queens na fino-follow niyo online to be updated sa mga susunod na mangyayari,” dagdag ng hair stylist.