-- Advertisements --

Nagkaisa ang halos lahat ng mga kandidatong tumatakbo para sa pagka-bise presidente sa darating na halalan na hindi sapat ang P200 na monthly assistance para sa mga pamilyang Pilipino sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.

Dahil dito ay mas itinulak pa ng mga ito ang panukalang suspension sa excise tax sa langis bilang mas mabisang solusyon laban sa pagtaas ng presyo.

Paliwanag ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, mababawasan kasi ng P10, P6, P5 ang halaga ng kada litro ng langis sa oras na maipatupad ang naturang panukala na agad namang mararamdaman ng taumbayan.

Pagbibigay naman ng energy relief ang nakikitang solusyon ni vice presidential aspirant na si Carlos Serapio upang mapagaan aniya ang nararanasang paghihirap ng mga Pilipino ngayon.

Pabor din dito si Dr. Willy Ong at sinabing dapat na suportahan din aniya ang agrikultura, foof security, at renewable energy sa bansa.

Bukod sa pagsususpindi sa excise tax ay isa rin sa mga iminungkahi ni Senate President Vicente Sotto III na gawing P1000 ang minimum wage ng mga manggagawa sa NCR habang nasa P600 hanggang P800 naman sa mga probinsya na pinaboran din ni former lawyer Walden Bello dahil isang araw lang aniya ang itatagal ng P200 para sa isang pamilya.

Ayon naman kay Rizalito David, isa rin sa maaring mga solusyon ay ang pagbibigay ng pondo para sa maliliit na negosyo upang maibsan aniya ng mamamayan ang hirap na dinadanas ng mga ito.

Samantala, taliwas sa pananaw ng ibang mga kandidato ay pinaboran naman ni Manny Lopez ang kasalukuyang posisyon ng pamahalaan na huwag suspindihin ang value added at excise tax sa kadahilanang marami aniyang mawawala sa pamahalaan.