-- Advertisements --

Sa kabila ng pagbaba ng Alert Level sa National Capital Region (NCR), tuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa buong linya ng MRT-3.


Simula February 1,2022 nasa Alert Level 2 ngayon ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, mahigpit na ipinatutupad ang wastong physical distancing, at ipinagbabawal ang kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren.

Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.

Samantala, maaaring makasakay sa priority section na unang bagon o leading car ng mga tren ang mga senior citizens at menor de edad at kanilang guardian, kasama ang iba pang priority passengers.

Nasa 70% ang passenger capacity ng mga tren, kung saan mayroong 276 na pasahero kada bagon o 827 pasahero kada train set. Ang isang train set ay binubuo ng tatlong bagon.