-- Advertisements --

Suportado ng Philippine College of Physician ang naging desisyon ng pamahalaan na panatilihin sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) at maging ang ilan pang pilinng mga lugar sa Pilipinas.

Ayon kay Dr. Maricar Limpin, sang-ayon ang mga healthcare worker sa kasalukuyan alert level status sa bansa kahit na karamihan sa ating mga kababayan ay tila hindi na alintana ang panganib na dala ng COVID-19.

Samantala, patuloy naman nagpaalala si Limpin na dapat tiyakin ng mga kumpanya na ang mga lugar ng trabaho ay may maayos na bentilasyon bago hilingin sa mga empleyado na bumalik sa lugar.

Bukod sa palagiang pagsusuot ng face mask, sinabi rin niya na mas makabubuti kung may distansya pa rin sa pagitan ng mga mesa para maprotektahan ang mga empleyado.

Mas mainam din na huwag nang sabay na kumain, o lumayo sa isa’t isa kapag kumakain sa iisang lugar.

Ngayong araw epektibo ang Alert Level 1 sa mga lugar na NCR at 47 pang mga lugar na magtatagal naman hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Marso.