-- Advertisements --
COVID test lab Albay Legazpi test kit PCR

LEGAZPI CITY – Aminado ang isang health professional na hindi pa handa ang mga doktor at pasilidad na pangkalusugan sa Albay sa pagpigil sa patuloy na pagtaas ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dra. Ofelia Samar-Sy, medical director ng Ibalong Medical Center, noong Marso 16 pa sumulat ang grupo ng medical experts sa Albay kay Gov. Al Francis Bichara at Mayor Noel Rosal ukol dito.

Ayon kay Dra. Samar-Sy, hindi handa ang mga pagamutan sa lalawigan habang limitado rin ang bed capacity ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na inilaan sa pagtanggap ng mga COVID-positive.

Kaunti rin ang personal protective equipment (PPE) at nagkani-kaniyang bili na habang ilan sa health workers ay wala nang makuhang face masks.

Ipinangangamba umano ang posibilidad na madagdag sa bilang ng mga namatay na kasamahan sa propesyon kung walang tamang proteksyon.

Umapela rin si Samar-Sy sa mahigpit na pagsunod ng mga tao sa protocol sa lockdown dahil lubhang mahalaga aniya ito sa pag-iwas ng pagkalat ng sakit.