Nagbabala ang isang Health expert sa lahat mga indibidwal na kabilang sa high-risk groups hinggil sa banta na dulot ng mga bagong variant ng COVID-19.
Sa kabila ito ng pagpawi ng Department of Health sa pangamba ng publiko kaugnay sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa iba’t-ibang bahaging bansa kasunod ng pag-usbong ng mga bagong variant nito.
Ngunit payo ni Philippine College of Physicians president, Dr. Rontgene Solante kinakailangan pa rin na magsagawa ng kaukulang pag-iingat ang mga indibidwal na kabilang sa vulnerable population, partikular na sa mga nakatatanda at immunocompromised individuals sapagkat ang mga ito aniya ang mga prone na tamaan ng severe COVID-19.
Gayunpaman ay muli pa rin naman ipinunto ni Solante na ang bagong “FLiRT” variant ng COVID-19 na naitala sa ibang bansa ay hindi kasing lala ng Alpha at Delta variants na unang umusbong noong taong 2020 at 2021.
Samantala, sa ngayon ay wala pa rin naman na napaulat na nagdulot ng severe to critical cases sa bansa o sa abroad ang naturang bagong variant ng Covid-19.