MANILA – Nilinaw ng isang opisyal mula sa World Health Organization (WHO) na hindi maaaring basta na lang magpatupad ng travel restriction ang isang bansa, sa kabila ng banta ng bagong variant ng COVID-19 virus.
Ayon kay Dr. Socorro Escalante, Philippine representative sa WHO, may mga konsiderasyon na kailangang isa-alang-alang sa pagpapatupad ng paghihigpit sa mga biyahe mula sa United Kingdom at iba pang bansa.
“Ang mga desisyon ng pagre-restrict ng borders will have to be really based on the level of evidence that we have, atsaka impact ng paco-close ng borders,” ani Escalante sa isang media forum.
Nitong Sabado ng gabi, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang extension ng travel ban mula UK, kung saan natukoy ang bagong variant ng sakit.
Sakop ng paghihigpit ang mga may travel history sa Britanya, kahit nag-layover lang o galing mismo sa naturang bansa sa nakalipas na 14 na araw.
Pati na ang mga manggagaling sa mga estado na may kaso na ng “community transmission” ng bagong virus variant.
Samantala, papayagan namang makapasok ng Pilipinas ang mga biyahero kahit may kumpirmadong kaso na ng UK variant ang pinanggalingang bansa.
“Kailangan kumpletuhin ang 14 na araw na quarantine, ano pa man ang kanilang RT-PCR test results,” ani Health Sec. Francisco Duque III.
Paliwanag ni Dr. Escalante, malaki ang magiging epekto ng travel restriction sa ekonomiya at iba pang aspeto sa relasyon ng iba’t-ibang bansa.
“Alam natin that border restriction will have significant economic and humanitarian impact. If we are going to decide this very restrictive intervention, we really need to consider all dimensions.”
Payo ni Dr. Edsel Salvana, miyembro ng DOH Technical Advisory Group (DOH-TAG), kailangan din pagka-tiwalaan ng publiko ang ginagawang hakbang ng ibang bansa para hindi na kumalat pa ang bagong variant ng COVID-19.
Ayon sa DOH, higit 40 bansa na, kabilang ang Pilipinas, ang nagpapatupad ngayon ng paghihigpit sa biyahe dahil sa UK variant ng sakit.
“Important yung distinction.Kapag sinabi mong community transmission, kalat na kalat ‘yon, pero yung mga countries like Singapore na napaka-stringent ng screening, nade-detect nila agad sa border pa lang.”
“As long as wala sa community, na-control nila yung pagpasok ng variant sa kanilang bansa. It looks like they’re doing their part, sila rin nagre-restrict ng flights from UK.”
Ilan daw sa mga dapat i-konsidera ng pamahalaan bago magpatupad ng paghihigpit sa biyahe ay ang antas ng transmission o pagkalat ng sakit.
Mahalaga umanong matutukan ang sitwasyon mula sa antas na wala pang naitatalang kaso ng COVID-19, hanggang makapag-report ng “imported case” o kaso ng sakit na galing sa ibang lugar, at transmission nito sa isang cluster o lugar.
“We agreed with that (travel restriction), kasi together with the holiday we expect the surge, and also to give us time to strengthen our surveillance system which is what we’ve been and will be working on moving forward,” ayon kay Dr. Marissa Alejandria, presidente ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID).
Para sa health experts, hindi maaaring dumepende sa travel restrictions ang gobyerno at publiko para maiwasan ang banta ng bagong variant ng COVID-19. Kailangan din daw panatilihin ang minimum health standards, at ihanda ang sistema para matukoy ang aktibidad ng virus.
“‘Pag maganda ang containment measures, we know where the virus is transmitting, we could control. But that is not enough. We should also prepare our national systems to identify, detect and ensure public health measures,” ani Dr. Escalante.
“We need to keep our cases low, and the way to keep that will be by following minimum health standards… para maka-iwas doon sa mga ganong klaseng variation, we need to be able to contain the cases and this can be done through common sense and application of health standards,” ani Dr. Anna Ong-Lim, miyembro rin ng DOH-TAG.
Sinabi ng Philippine Genome Center (PGC) na sa ngayon ay wala pa silang natutukoy na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na may variant ng virus mula UK. Pero sa buong mundo, nalaman ng mga scientists na 12,000 beses nang nag-mutate o nagbago ng anyo ang SARS-CoV-2 virus.
Kabilang din sa inaprubahan ni Pangulong Duterte nitong Sabado ang pag-aaral ng PGC, kasama ang Research Institute for Tropical Medicine, at UP National Institute of Health sa “genome sequence” ng positive samples mula Nobyembre.