-- Advertisements --
DEPED 2
Education Secretary Leonor Magtolis Briones

Mayroon na raw abiso ang mga health experts sa Department of Education (DepEd) para sa pagsagawa ng face-to-face classes sa gitna pa rin ng nararanasang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, sinabi raw ng mga health experts na puwede na nilang subukan ang face-to-face classes pero para lamang muna sa mga lower grades.

Unang nakikitang rason ng mga health experts dito ay ang pagiging matatag at malakas na pangangatawan o resistensiya ng mga bata.

Maliban dito, sinabi ni Briones na habang lumalaki ang mga bata ay mahalagang matutunan ng mga bata kung paano hulmahin ang kanilang characters, study habits maging ang kanilang good manners at right conduct.

Gayunman, aminado si Briones na kailangan pa rin ang go-signal dito ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, aminado naman ang kalihim na mas maraming pagsubok ang kahaharapin ng DepEd sa ngayon dahil sa mga nagsulputang variants ng COVID-19.

Gayunman, naniniwala naman si Briones na mas maganda ang nangyari ngayong taon kaysa noong nakaraang taon dahil nalagpasan na ng bansa ang enrollment noong school year 2020-2021.

Sinabi ni Briones na mula sa 25.03 million students noong nakaraang school year, sa ngayon nasa 27,583,701 ang kabuuang nag-enroll.

Posibleng madagdagan pa ang mga mag-e-enroll dahil hanggang sa katapusan pa ng buwan ang huling araw ng enrollment ng mga estudyante.