Umabot na sa kabuuang 40 health facilities sa buong bansa ang bahagyang nasira dulot ng nagdaang Bagyong Carina na pinalakas pa ng Habagat, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Linggo.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, sa nasabing bilang, 18 ang mga barangay health stations, 14 ang mga ospital, pitong rural health units, at isa dito ang regional office ng DOH.
Sa kabila nito, sinabi ni Domingo na patuloy na nagbibigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan ang DOH sa mga taong apektado ng Carina at Habagat.
Umabot na umano sa kabuuang 5,159 konsultasyon sa iba’t ibang usaping pangkalusugan ang naisagawa sa mga evacuation centers.
Nito lamang, matatandaan na sinabi ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa na inaasahang tataas ang mga kaso ng leptospirosis sa mga darating na araw dahil sa matinding pagbaha na dulot ng malalakas na ulan sa ilang bahagi ng Luzon.
Kasalukuyan rin na nasa Code Blue ang National Capital Region (NCR), Ilocos Region, Calabarzon, at Central Luzon dahil sa epekto ng Carina at Habagat.
Aktibo rin ang Incident Command System ng DOH at isinasagawa rin ang mga coordinative meetings kasama ang mga health clusters. Maliban pa rito, nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).