Nagbitiw sa puwesto ang health minister ng Jordan matapos mamatay ang nasa anim na katao sa isang ospital na gumagamot sa mga pasyenteng may COVID-19 dahil sa oxygen outage.
Agad namang ipinag-utos ni Jordanian Prime Minister Bisher al-Khasawneh na imbestigahan ang insidente, na nangyari sa isang government hospital sa bayan ng Salt, 20 kilometro ang layo sa kabisera ng bansa na Amman.
Batay sa ulat, hiniling din nito kay Health Minister Nathir Obeidat na bumaba na sa kanyang tungkulin.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang pangyayari ay sanhi ng kakulangan ng suplay ng oxygen sa mga ward na tumagal ng isang oras.
Kalaunan ay bumisita rin sa ospital si Jordanian King Abdullah.
Base sa pinakahuling datos, umabot sa 8,300 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala noong Huwebes, na pinakamataas mula nang magsimulang makapagtala ng virus ang bansa isang taon na ang nakalilipas. (Reuters/ AP)