LAOAG CITY – Nag-panic at naalarma ang maraming residente sa Ilocos Norte matapos may mga kumakalat sa social media na may kaso ng coronavirus sa lalawigan.
Ayon sa kumakalat sa social media, nai-confine umano ang biktima sa Mariano MArcos Memorial Hospital and Medical Center (MMMHMC) sa lungsod ng Batac.
Subalit mahigpit na pinabulaanan ito ni Doctora Marie Joyce Urnos Santos, Infectious Disease Specialist sa nasabing hospital sa eksklusibong panayam sa kanya ng Bombo Radyo Laoag.
Kasabay nito, umapela si Dr. Santos sa publiko na huwag magpakalat sa mga hindi kumpirmadong balita na posibleng ikaalarma ng mga tao.
Sinabi pa ng doctor na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus at manatiling kalmado, maging vigilant at manalangin sa Diyos.
Maliban dito, panatilihing malinis ang katawan, proper hygiene at magkaroon ng healthy lifestyle.
Samantala, tiniyak ni Doctora Santos na 100% nang nakahanda ang Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center kung sakaling makarating ang coronavirus sa lalawigan.