DAGUPAN CITY – Kinumpirma ngayon ng Provincial Health Office (PHO) Pangasinan ang mahigpit nilang monitoring sa bahagi ng Western Pangasinan sa gitna pa rin ng banta ng novel coronavirus na unang naitala sa Wuhan City sa bansang China.
Paliwanag ni Dra. Anna Marie De Guzman, ang provincial health officer ng lalawigan, mas naghigpit sila ng pagbabantay ngayon sa mga bayan ng Dasol, Bolinao, Infanta at maging sa Wester Pangasinan District Hospital dahil bagamat naka-lockdown ang ilang lugar sa China ay mayroong posibilidad aniya na makasalamuha sa laot ng mga mangingisdang Pilipino ang ilang mga Chinese Nationals na posibleng carrier ng nasabing virus kahit hindi pa nagpapakita ng sintomas.
Bukod dito, mas pinaigting nila ang kanilang pagbibigay ng impormasyon sa Publiko lalo na sa mga mangingsida doon na agad na magpakonsulta sa doktor kung kapitan ng flu-like symptoms upang agad na ma-assess ang kanilang kalagayan.
Una nang kinumpirma sa Bombo Radyo Dagupan ni Dra. De Guzman na nagpalabas na ito ng direktiba sa 14 na government hospitals sa probinsya kaugnay sa protocol na kailangan nilang ipatupad.
Aniya, ang ipinatutupad na protocol ngayon ay gaya ng kanilang ipinatupad na preventive measures nang pumutok ang sakit na SARS at MERSCOV, ilang taon na din ang nakakalipas.
Sa ngayon pagtitiyak naman ng opisyal na nananatiling nCoV free pa ang bansang Pilipinas partikular na ang probinsya ng Pangasinan.