Inabisuhan ni Philippine National Police chief General Guillermo Eleazar ang mga event organizers ng mga tiangge, bazaar at pamilihan ngayong holiday season na tiyaking masusunod ang minimum public health standard.
Ayon kay Eleazar, bagaman inatasan nito ang mga pulis at unit commanders na magbantay sa mga matataong lugar at makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGU), dapat din umanong makiisa ang mga event organizer at gawin ang kanilang parte.
Partikular na pinatitiyak ni Eleazar ang pagtalima sa physical distancing kung may kinalaman sa pagkain ang event, maski al fresco dining, dahil kinakailangan ditong mag-alis ng face mask.
Muli namang umapela si Eleazar sa publiko na huwag magpakakumpiyansa sa pamimili sa Divisoria o sa mga tiangge lalo’t siksikan.
Giit ni PNP chief nasa pandemya pa rin ang bansa at may banta pa rin ng Covid-19 virus.
Sinabi ni PNP chief ang pamimili sa mga tiangge o bazaar ay nakapamili nga ng mura subalit mapapapagastos naman ng malaki dahil sa pagpapagamot.
Sa kabilang dako, inatasan din ni Eleazar ang mga unit commanders na paigtingin pa ang police visibility at ipagpatuloy ang kanilang patrulya para maiwasan ang mga ng street crimes lalo at marami na sa mga kababayan natin ang makakalabas ng kanilang mga bahay.
Sa tuwing holiday season kasi tumataas ang kaso ng street crimes.
Siniguro naman ni Eleazar na hindi hahayaan ng PNP na makaporma ang mga kriminal sa kanilang masasamang plano.
Pinaalalahahan din ni PNP chief ang publiko na maging maingat lalo na kapag nasa lansangan.