Tumaas pa ang bilang ng mga indibidwal na lumalabag sa mga ipinatutupad na health protocols sa Metro Manila, lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.
Ito ay kasunod ng pagbababa sa Alert Level 1 sa buong National Capital Region (NCR).
Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Felipe Natividad, tumaas ng 13.36 percent ang bilang ng mga naaarestong indibidwal sa rehiyon dahil sa mga naging paglabag ng mga ito sa minimum public health standard.
Mula kasi sa 3,713 na naitala noong nakaraang linggo, ay tumaas sa 4,2096 ang bilang ng mga indibidwal na naaresto dahil sa naturang paglabag mula Pebrero 28 hanggang Marso 1.
Bukod dito ay nakapagtala rin ang NCRPO ng mas mataas na bilang ng mga lugar sa Metro Manila na kasalukuyang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown.
Sa datos, mula sa dating 15 mga lugar ay tumaas pa sa 19 ang bilang ng mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown sa NCR, na may katumbas na 26.67 percent.