CEBU CITY – Epektibo na ngayong araw ang muling pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa Talisay City, Cebu mula sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Bunsod nito, nanawagan si Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas sa kanilang mamamayan na sumunod pa rin sa mas striktong safety measures na kanyang ipatutupad.
Ayon kay Gullas, mahigpit nilang ipapatupad ang pagsusuot ng face mask at social distancing, lalo na sa pampublikong mga lugar.
Hindi na rin umano kailangang lumabas pa ng bahay kung wala namang importanteng pakay.
Ito’y para na rin umano maiwasan ang transmission ng sakit sa mga frontliners dahil marami na rin umanong health workers ang tinamaan ng COVID-19 sa Talisay City.
Inamin naman ng alkalde na siguradong tataas pa ang bilang ng COVID-19 cases sa kanyang lungsod ngayong nasa GCQ na sila pero mas ipapatupad umano nila ngayon ang agresibong contact tracing.
Samantala, aabot na sa 4,449 ang natalang kaso ng COVID-199 sa Cebu City kung saan 2,221 nito ang active cases habang 2,146 ang nakarecover na.
Sa naturang bilang 37 ang new confirmed at 42 ang new recovered habang isa ang nadagdag sa mga namatay kung saan aabot na sa 82 ang natalang death toll sa lungsod.