-- Advertisements --

Nakikiusap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na patuloy pa ring sundin ang mga health protocols laban sa COVID-19 tuwing magka-caroling sa Pasko.

Ang mga batang mag-iikot sa Pasko para mag-caroling ay dapat anilang bantayan ng kanilang mga magulang o guardians upang sa gayon ay matiyak na nasusunod ang mga health protocols na inilatag ng pamahalaan salig na rin sa alert level status sa kani-kanilang mga lugar.

Sinabi ng DSWD na maari ring magbigay na lamang ang publiko ng donasyon sa kanilang mga centers at iba pang mga organisasyon na tumutulong sa mga batang lansangan o hindi kaya ay magsagawa na lamang ng charity drives.

Umaapela naman ang kagawaran sa mga local government units (LGUs) na isama sa kanilang guidelines na isagawa ang mga caroling sa mga lugar na maituturing lamang na ligtas sa COVID-19 ay hindi basta sa mga kalsada lamang.

Nauna nang sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pinapayagan sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 2 ang pagka-caroling.