Nagbabala ang mga doktor sa Japan na posible umanong bumigay ang medical system ng kanilang bansa sa gitna ng pagbugso ng mga kaso ng coronavirus.
Ayon sa ilang opisyal, hindi na raw nagagamot ng mga emergency rooms ang ilang mga pasyenteng may malubhang kondisyon bunsod ng dobleng hirap na dulot ng COVID-19.
Katunayan ay mayroon umanong isang insidente kung saan isang ambulansya na may sakay na pasyenteng may sintomas ng coronavirus ang tinanggihan ng 80 ospital bago pa man ito masuri.
Nitong Sabado lamang nang lumampas na sa 10,000 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Japan.
Sa pinakahuling datos, mahigit na rin sa 200 ang mga namatay dahil sa deadly virus, at nananatiling ang Tokyo ang pinakaapektadong area sa bansa.
Kaya naman, umasiste na rin daw sa mga ospital ang mga grupo ng doktor sa mga GP surgeries sa Tokyo sa pag-test sa mga potensyal na coronavirus patients bilang tulong na rin para mabawasan ang pressure sa kanilang health system.
“This is to prevent the medical system from crumbling,” wika ni Konoshin Tamura, deputy head ng isang grupo ng mga GPs.
“Everyone needs to extend a helping hand. Otherwise, hospitals would break down,” dagdag nito.
Una rito, sinabi ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na babaguhin daw nila ang kanilang polisiya sa testing.
“With help from regional medical associations, we will set up testing centres,” wika ni Abe.
“If home doctors have decided testing is necessary, test samples are taken at these centres and sent to private inspection firms” dagdag nito. “Thus, the burden on public health centres will be lessened.” (BBC)