DAGUPAN CITY – Handa umano si Department of Health (DOH) Usec. Rolando Enrique Domingo sakaling alukin ito bilang bagong pinuno ng Food and Drug Administration (FDA).
Ito umano ay kung bibigyan siya ng pagkakataon na pamunuan ang nabanggit na tanggapan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Domingo, inamin nito na ikinagulat niya ang pagkakatalaga nito bilang pansamantalang director-general ng FDA.
Aniya, hindi nito inaasahan na siya ang pipiliin at ilalagay dito ngunit giit naman ni Domingo na handa umano nitong yakapin nang buo ang katungkulang ibinigay sa kanya.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Domingo sa tiwala at kumpiyansang ibinigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak niyang susuklian niya at gagawin ang lahat ng makakaya sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya.
Si Domingo ay magsisilbing officer-in-charge sa FDA makaraang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagsibak sa puwesto kay Charade Puno bilang FDA director general dahil umano sa pagkakasangkot sa katiwalian.