KALIBO, Aklan – Pinawi ng Provincial Health Office (PHO) Aklan ang pangamba ng ilang sektor kaugnay sa pagsusuot ng ilang mga health worker ng personal protective equipment (PPE) para sa novel coronavirus.
Ito ay matapos na kumalat ang litrato ng mga health worker na nakasuot ng full gear ng PPE mula sa ambulansiya papasok sa emergency room ng Aklan Provincial Hospital.
Ipinaliwanag ni Dr. Cornelio Cuachon, Jr. ng PHO-Aklan na sumusunod lamang sa standard operating procedure ang mga health worker na nakatalaga sa private isolation rooms lalo na ang sumuri sa mga pasyenteng nakitaan ng flu-like symptoms na mga dayuhan na dinala sa naturang ospital.
Wala rin umanong dapat na ikabahala ang publiko dahil normal lamang ang pagsusuot ng PPE upang mapangalagaan ang kanilang sarili laban sa nakamamatay na sakit.
Muling iginiit ni Dr. Cuatchon na nananatiling nCoV free ang Aklan at buong Pilipinas.
Sa kasalukuyan aniya ay mahigpit pa rin ang pag-monitor ng Bureau of Quarantine sa mga dayuhang pasahero sa mga paliparan at pantalan sa lalawigan upang hindi makapasok sa bansa ang nakamamatay na virus.
Kahapon ng hapon, Enero 28 ay nakalabas na ang tatlong pasyenteng itinuturing na persons under investigation (PUI) na-admit sa private isolation rooms ng Aklan Provincial Hospital.
Agad na nagsagawa ng paglilinis at fumigation sa nasabing ward at buong pagamutan.