-- Advertisements --

BOMBO RADYO DAGUPAN — Marami pang kakulangan.

Ito ang naging sentimyento ni Jao Clumia, Spokesperson ng Private Healthcare Workers Network.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na bagamat natutuwa sila sa karagdagang pondo na ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM), ay hindi naman ito sasapat.

Aniya na bagamat isa itong bagay na kanilang maipagpapasalamat, hindi naman nito mababayaran ang mga pangangailangan ng mga healthcare workers lalo na sa kanilang serbisyo.

Saad nito na ang una kasing inanunsyo na paglalabas ng pondo ng Department of Health ay nangangahulugan ng paglalabas nito sa bawat rehiyon.

Matapos nito ay gagawa muna ng mga tseke ang rehiyon para maibigay na ito sa mga nakapag-comply sa mga requirements para sa healthcare allowance.

Gayunpaman, hindi niya umano masasabi na makikinabang maging ang mga barangay health workers sa nasabing pondo.

Samantala, kwalipikado naman aniya sa benepisyong ito ang mga health workers na nagsilbi sa bansa noong panahon ng pandemya ngunit ngayon ay nagta-trabaho na abroad.

Ngunit mayroon naman aniyang mga salik na kinakailangang ikonsidera bago makatanggap ang mga ito ng kanilang healthcare allowance.

Saad nito na marami na rin kasing mga healthcare workers ang nagtatanong at nagpapaabot ng kanilang concern kaugnay sa nasabing allowance.

Nilinaw naman nito na mahalagang malaman kung ano ang employment status at partikular na posisyon ng healthcare workers lalo na’t hindi pa kasama sa ilalabas na allowance ang mga security guard, at mga outsource personnel.