-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng Alliance of Health Workers (AHW) na hindi pa napapanahon na ipatupad ang boluntaryong pagsusuot ng face mask lalo pa at nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease.

Una nang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 3 na magiging voluntary na lang ang pasusuot ng face mask sa outdoors.

Ayon kay AHW President Robert Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahalaga pa rin na magkaroon ng prevention bilang proteksyon hindi lamang sa COVID-19 kundi maging sa iba pang sakit.

Aniya, kahit kasi boluntaryo tiyak daw na maraming hindi na magsusuot ng face mask lalo pa at mababa pa lang ang COVID booster coverage.

Ikinabahala rin ang naturang desisyon na magiging dahilan ng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa gitna ng malalang understaffing sa mga ospital.

Sinabi ni Mendoza, tiyak na wala ng healthworkers ang magtitiyagang magtrabaho sa oras na magkaroon na naman ng surge ng nakakahawang sakit dahil naranasan na ang 12 hanggang 16 oras na trabaho.

Aniya, dapat ay pinag-isipan ng mabuti kung ano ang magiging “pros and cons” ng naturang desisyon.