LAOAG CITY – Sa gitna ng kinakaharap na pandemiya ng bansa partikular dito sa Ilocos Norte na kasalukuyang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine, isang malusog na batang lalaki ang ipinanganak sa loob mismo ng isolation facility.
Ito ay matapos nagpositibo sa covid-19 ang kanyang ina.
Ayon kay Dr. Jenieffer Bueno Valdez, ang municipal health officer ng bayan ng Sarrat, biglaan ang panganganak ng covid-19 patient na ina.
Aniya, mabilis itong nag-labor dahilan upang hindi na umabot pa sa ospital para manganak.
Una rito, ipinaliwanag ni Valdez na nanatili sa isolation facility simula noong Hulyo 31 ang ina matapos magpositibo ito sa kanyang swab test na isinagawa noong Hulyo 29.
Sinabi nito na biglang sumakit ang tiyan ng ina pagdating ng gabi noong Hulyo 31 at makalipas lamang ng 40 minuto ay ligtas nitong naipanganak ang isang 2.8kg na baby boy sa tulong ng mga kinatawan ng MHO.
Napag-alaman na binigyan ng pangalan na Julius Matthan ang baby boy.
Nanatili ang mag-ina sa isolation facility habang hinihintay ang resulta ng swab test ng bata.
Samantala, dahil sa nangyari ay tila nakapagbigay ito ng bagong pag-asa sa buong probinsya sa kabila ng nararanasang pandemiya dulo ng covid-19.