-- Advertisements --

Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na makakaasa ang publiko sa pagkakaroon ng “healthy debate” kapag tinalakay na sa House of Representatives ang isyu sa pagbuhay sa death penalty.

Pahayag ito ni Cayetano, halos isang linggo matapos ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes kung saan isa sa mga una nitong nabanggit ang tungkol sa kontrobersyal na panukala.

“Sa death penalty, I can promise sa ating mga kababayan, whether kayo ay pro or against na magkakaroon ng very healthy debate dito sa House of Representatives, ang tutuunan nito ay isa lang, paano mapigilan ang krimen, lalo na ang heinous crime sa ating bansa,” ani Cayetano.

Dagdag nito na naniniwala ang pangulo sa death penalty dahil sa hindi pa rin natitigil na kalakalan sa iligal na droga, kahit pa aniya nababawasan naman ang mga krimen.

Nabatid na ilang oras bago ang SONA ni Digong nang pormal na inihalal ng mga kongresista ang kinatawan ng Taguig City bilang ika-22 Speaker ng House of Representatives.

Sa botong 226, tinalo ni Cayetano ang kapwa nominado na si Manila City Rep. Benny Abante Jr., na nakakuha naman ng 28 votes

Inaasahang uupo bilang lider ng Kamara si Cayetano sa loob ng 15 buwan bago ipaubaya ang posisyon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa susunod naman na 21 buwan.