LEGAZPI CITY – Umaasa si House committee on constitutional amendments chair Rep. Alfredo Garbin Jr. na magkakaroon ng makabuluhang pagtalakay sa plenary debate kaugnay ng isinusulong na amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, maaring sa susunod na linggo o sa Pebrero 22 na isagawa ang naturang debate.
Ayon kay Garbin, lahat naman ay imbitado sa paglahok sa talakayan kaya’t hinikayat nitong gamitin ang constitutional power ng mga mambabatas.
Bukod sa mga miyembro ng minority bloc, nais rin ni Garbin na marinig ang saloobin ng iba pang nasa majority bloc.
Binigyang-diin pa nitong tiwala siyang masasagot ang mga ibabatong tanong sa kasagsagan ng debate lalo na sa mga kaakibat na benepisyo ng hakbang.
Sa muli, iginiit ni Garbin na tututok ang debate sa usapin sa foreign direct investments partikular na sa areas ng ekonomiya at national partrimony, at walang halong isyu pulitikal.
Tapos na rin ang walong committee hearing bago ang pag-adopt sa Resolution of Both Houses No. 2 kung saan maraming resource persons ang inimbitahan, gayundin ang public hearings.