Nakamit na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang “healthy traffic” sa lahat ng mga international na daungan ng bansa kasunod ng mga pagsisikap na linisin ang sakop nitong mga terminal ng mga overstaying container.
Ayon sa isang pahayag, walang kasikipan o backlog sa lahat ng mga daungan sa pagsisimula ng taong 2023.
Batay sa datos ng Philippine Ports Authority noong Pebrero, ang Manila International Container Terminal (MICT) ay nagtala ng 54.65 percent yard utilization rate habang ang Manila South Harbor ay nag-ulat ng 58.12 percent, mas mababa kaysa Disyembre noong nakaraang taon sa 78 percent at 68 percent.
Sinabi ng ahensya na ang rate ng yard utilization ay bumaba at nag-improved dahil na rin sa holiday season.
Ipinaliwanag pa nito na ang rate ng yard utilization ay nakasalalay sa pag-alis ng mga cargo shippers at consignees ng kanilang mga containers mula sa mga daungan.
Gayunpaman, ibinunyag ng Philippine Ports Authority na nananatiling mataas ang container traffic sa loob ng mga daungan ng bansa kahit na bumaba ang bilang ng mga container na nag-overstay dito.
Ayon kay Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago maaari lamang mag-accommodate ng mga empty containers sa ilang araw dahil kung hindi, ang mga terminal at daungan ay mapupuno lamang ng mga ito.
Una na rito, nanatiling positibo si Santiago tungkol sa pananaw ngayong taon sa paparating na mga bagong proyekto at patuloy na pagsisikap na alisin ang mga overstaying na kargamento sa mga daungan ng ating bansa.