-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hindi matutuloy ngayong araw ang hearing ng injunction case na inihain ng kampo ni Leo Rey Yanson na pumipigil sa pag-upo ng kapatid na si Roy bilang presidente ng Yanson Group of Bus Companies.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kinumpirma ni Atty. Norman Golez, legal counsel ni Leo Rey, ang kanselasyon ng pagdinig dahil buong araw ang aktibidad sa Hall of Justice ng Bacolod ngayong araw.

Nasa kamay ng naturang kaso ang pagkilala bilang legal o illegal ang nangyaring special board meeting ng tinaguriang “Yanson 4” noong Hulyo 7 kung saan kinudeta nina Roy, Emily, Ma. Celina at Ricardo Jr. si Leo Rey bilang presidente ng kompaniya at iniluklok ang kanyang kuyang si Roy.

Kinumpirma rin ni Golez na nagfile ng recusation letter ang mga abogado ng Yanson 4 na sina Atty. Philip Sigrid Fortun at Atty. Sheila Sison na humihiling kay Judge Eduardo Sayson ng RTC Branch 53 na mag-inhibit sa injunction case at pipigilan naman ito ng kampo ni Leo Rey.

Ayon kay Golez, matutuloy ang susunod na hearing sa Setyembre 6.