-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Magbabantay subalit hindi umano manghihimasok sa legal na proseso ng hudikatura sa paghabol sa hustisya sa pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Ito ang naging paglilinaw ni House Committee on Public Accounts at Anakalusugan Party-List Rep. Mike Defensor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, matapos ang isinagawang pagdinig tungkol sa paghahati-hati ng P35-million reward money sa Batocabe slay.

Ayon kay Defensor, iginagalang nito ang pamamaraan ng sangay ng hudikatura sa pagresolba sa kaso kaya’t tumutulong lamang upang maitama ang direksyon ng kaso.

Aniya, kailangan na maiging mamonitor ang mga inilalabas na pahayag ng mga testigo upang hindi magkaroon ng pabago-bagong testimonya.

Ipinangangamba nitong malagay pa sa alanganin ang kaso kung magkataon.

Wala naman umanong nakikitang problema sa naging presentasyon ng kapulisan sa pabuya ngunit aminadong nagkaroon ng debate sa usapin ng pagtanggap ng tatlong suspek ng halaga.

Tiniyak naman ni Defensor na magkakaroon na ng rekomendasyon in-aid of legislation sa susunod na pagdinig.