-- Advertisements --

Nangangailangan na lamang ng isang panalo ang Miami Heat upang tuluyan nang makapasok sa NBA Finals matapos na makaligtas sa naghihingalong Boston Celtics sa Game 4 ng Eastern Conference Finals, 112-109.

Bunga ng panalo, nakuha na ng Miami ang 3-1 lead sa best-of-seven series at makalapit ang koponan sa kanilang kauna-unahang NBA Finals mula noong 2014.

Kung maalala, huling pumasok ang Heat sa finals ay noong naglalaro pa si LeBron James sa Miami.

Nagawa pa ng Boston na mabura ang double-digit na deficit para mahawakan ang one-point lead sa fourth quarter, ngunit nakadiskarte pa rin ang Heat para makaabanseng muli.

Namayani nang husto sa kampo ng Heat ang rookie at pinakabatang player sa floor na si Tyler Herro na nagpakawala ng 37 points.

Tyler Herro
Tyler Herro/ Photo courtesy of Miami Heat’s official Twitter account

Si Herro rin ang ikalawang 20-anyos sa kasaysayan ng NBA playoffs na maka-iskor ng nasa 37 points sa isang laro.

Ang isa pa ay si Magic Johnson na kumamada ng 42 sa Game 6 ng 1980 NBA Finals para sa Los Angeles Lakers.

“I feel good about it,” wika ni Herro. “There’s a lot of work to be done still. We’re up 3-1.”

Umalalay din sina Jimmy Butler na umiskor ng 24 points, at si Goran Dragic na may 22 points.

Nabalewala naman ang 28 points na binuslo ni Jayson Tatum.

Tatargetin na umano ng Heat na tapusin na ang laban sa Game 5 sa Sabado.

Ngunit alam nilang ibubuhos lahat ng Celtics ang kanilang makakaya para piliting mapalawig pa ang serye sa Game 6 at Game 7 kung kinakailangan.