-- Advertisements --

Itinarak ng Miami Heat ang 2-0 lead matapos payukuin ang top team na Milwaukee Bucks sa Game Two ng kanilang Eastern Conference semifinals series, 116-114.

Inaksaya man ng Heat ang anim na puntos na lamang nila sa huling segundo, nakahanap naman sila ng paraan upang malusutan ang Bucks.

Ang dalawang ipinasok naman na free throw ni Jimmy Butler ang siyang bumasag sa tabla para maibulsa ang panalo.

Umiskor ng 23 points si Goran Dragic upang pamunuan ng Heat, na unang No. 5 seed sa kasaysayan ng NBA na tumangay sa 2-0 series lead kontra sa isang No. 1 seed.

Sa panig ng Bucks, nabalewala ang 29 points at 14 rebounds ni Giannis Antetokounmpo.

Tangan ng Miami ang 90-86 abanse sa pagpasok ng fourth quarter, ngunit naagaw ito ng Milwaukee sa kauna-unahang possession sa final canto.

Muli namang tinangay ng Heat ang kalamangan matapos itala ang 15 puntos at itulak pa sa 103-93 ang iskor tampok ang 3-pointer ni Jae Crowder sa huling 7:50.

Matapos nito ay hindi na kailanman nilingon ng Miami ang kalaban.