-- Advertisements --
miami heat 1
Miami Heat first five (photo from @MiamiHEAT)

Nagsama nang puwersa sina Jaylen Brown at Jayson Tatum na may tig-26 points sa loob lamang ng tatlong quarters upang walisin ng Boston Celtics ang Detroit Pistons para sa 114-93 victory.

Ang ika-19 na panalo ng Boston ay kahit hindi nakapaglaro si Gordon Hayward habang inalat din sa kanyang mga tira si Kemba Walker.

Sinamantala rin ng Celtics ang kamalasan ng Pistons na umabot sa 25 ang turn overs.

Dinomina ng Boston ang paint sa pamamagitan ng 58-34 at lalo na sa rebounding, 51-36.

Ang lahat ng 12 Boston players sa lineup ay umiskor liban lamang kay Walker na inabot muna ng 0 for 6 sa floor bago naka-iskor.

Nagdagdag sa kakulangan ng Pistons ang hindi paglalaro nina Blake Griffin (sore left knee), Luke Kennard (bilateral knee soreness) at Christian Wood (left knee bruise).

Sa ngayon meron pa lamang 11-18 record ang Detroit.

Sa ibang game hindi naman pinaporma ng Miami Heat ang New York Knicks, 129-114.

Nanguna si Bam Adebayo sa diskarte para sa Miami nang tumipon ng 20 puntos.

Nagbalik na rin sa paglalaro si Goran Dragic na merong 18 points kahit siyam na games na hindi nakapaglaro dahil sa injury.

Umabot pa sa 34 ang naging abanse ng Heat (21-8) bunsod na rin ng kontribusyon ng iba pang teammates na sina Duncan Robinson na may 18 na nagpasok ng anim na three-pointers, si Kendrick Nunn naman ay may 15 points, Derrick Jones Jr. na nagposte ng 14, Tyler Herro nagtapos sa 12 at si Kelly Olynyk ay umiskor ng 10.

Si Jimmy Butler ay pinaglaro lamang ng 28 minutes para sa kanyang nine points at walong assists.

Sa kampo ng Knicks (7-22) nanguna si Bobby Portis mula sa bench na may 30 points o 12-for-17 shooting.

Ang next game ng Knicks ay laban sa Milwaukee sa Linggo.

Ang Heat naman ay haharapin ang Utah sa Martes.