Nagbabala ang state weather bureau na maaaring maramdaman pa rin sa mga susunod na araw ang mataas na heat index.
Posible umanong pumalo sa 44 degrees celsius ang heat index bukas sa Dagupan City, Pangasinan habang nasa 43 degrees celsius naman ang maaaring maramdaman ng bayan ng Aborlan at Puerto Princesa City sa Palawan.
Sa Biyernes naman ay papalo sa 43 degrees celsius ang heat index sa Bacnotan, La Union at Roxas City, Capiz.
Pinag-iingat din ang mga taga Aparri, Cagayan; Tuguegarao City; San Jose, Occidental Mindoro; Zamboanga City; at Cotabato City dahil posibleng makaranas ito ng 42 degrees celsius na heat index.
Ayon sa state weather bureau, nasa “danger” categroy na kapag pumalo sa 42 hanggang 51 degrees celsius ang heat index kung saan maaaring makaranas ang mga tao ng heat exhaustion at heat stroke.