-- Advertisements --

Posibleng umabot mula 48°C hanggang 50°C ang heat index sa ilang lugar sa Pilipinas pagsapit ng huling linggo ng Abril hanggang sa unang linggo ng Mayo.

Ito ay katumbas ng temperatura na mula 39.6 hanggang 39.8 degrees Celsius o mas mataas pa.

Hindi rin inaalis ng ahensiya ang posibilidad na aabot sa 52 degrees Celsius ang pinakamataas na heat index na maitala ngayong taon.

Gayonpaman, kung mangyayari ito ay posibleng hindi rin umano magtagal.

Batay sa record ng weather bureau, kalimitang nararanasan ang pinakamataas na heat index sa Luzon tulad ng Ilocos Region at Cagayan Valley Region.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 40°C hanggang 44°C ang pinakamataas na heat index na nararanasan sa ilang lugar, mula noong nagsimulang maranasan ang mainit na panahon nitong nakalipas na buwan.

Sa kabila ng sunod-sunod na mataas na heat index, hindi pa rin opisyal na idinedeklara ng weather bureau ang pagpasok ng dry season.

Nilinaw naman ng ahensiya na ang dry season ngayong 2025 ay hindi magiging katulad nitong nakalipas na taon kung saan naitala ang ilang record-breaking temperature and mataas na heat index.