Nakabwena mano nang panalo ang Miami Heat matapos masilat ang No. 1 team sa Eastern Conference na Milwaukee Bucks sa pagsisimula ng semifinals sa NBA playoffs sa score na 115-104.
Ginulat ng Miami ang Bucks sa matinding depensa lalo na ang inilatag laban kay reigning MVP Giannis Antetokounmpo.
Nalimitahan si Giannis sa 18 points at 10 rebounds.
Minalas pa si Antetokounmpo na meron lamang anim na puntos mula sa 12 pagtatangka habang apat lang ang naipasok mula naman sa 12 tira sa free throw line.
Liban nito, nagpaulan din ng walang humpay na three point shots ang Heat na hindi natapatan sa huling bahagi ng Milwaukee.
Bumida sa unang panalo ng Miami si Jimmy Butler na may 40 points na kanya ring unang best career high sa playoffs.
Ilang beses na nagpakita si Butler ng big plays para tulungan ang Miami na iposte rin ang 5-0 record sa NBA postseason bubble sa Lake Buena Vista, Florida.
Batay sa record ng ESPN si Butler ang ikatlong player sa kasaysaysan ng Heat na pumuntos ng 40 sa playoff game kung saan nakahanay na niya sina Dwyane Wade at LeBron James.
Aminado naman si Butler na malaking tulong sa kanya ang ibinibgay na mga tips ng NBA great na si Wade na palagi niyang ka-text.
“But I’ve watched so many great players. And it’s great to have D-Wade in my corner I’m telling you. He’s always in my phone, telling me about the game what to look for,” kuwento pa ni Butler. “He’s been a huge help.”
Samantala maging ang dati rati ay epektibong si Khris Middleton ay halos naparalisa rin sa malagkit na depensa ng Heat.
Sa rebounds pa lamang ay uminit na ng husto ang Heat para lamangan nila ang Bucks sa kartada na 46-34.
Sa kabilang dako malaking tulong din sa pag-arangkada ng Heat ay sina All-Star big man Bam Adebayo na nagpakita ng 17 rebounds at six assists at veteran Goran Dragic na nagpakawala ng 27 points.