-- Advertisements --

Pinamunuan ni Tyler Herro ang balanseng pag-atake ng Miami Heat upang itala ang 122-108 pagdomina kontra Indiana Pacers.

Nagrehistro ng 19 points si Herro, at inalalayan ni Duncan Robinson na ibinuhos ang 11 sa kanyang 17 points sa third quarter, maliban pa sa limang Miami players na nagtala rin ng double figures.

Tangan ang 62-49 abante sa halftime, ginamit ng Heat ang 38-23 lamang sa third quarter upang hindi na lingunin pa ang Pacers.

Batay sa datos, nag-init din ang Miami kung saan mayroon silang 10-for-17 shooting sa nasabing yugto, kabilang na ang 5 of 11 mula sa 3-point range dahilan para mabuo ang 100-72 lead.

Bunsod ng agwat nila sa kalaban, pinagpahinga na ng Heat ang kanilang starters sa final canto.

Sumandal naman ang Pacers kay Domantas Sabonis na nagtapos na may 27 points at 14 rebounds para sa kanyang ika-30 double-double ngayong season.

May namuo namang gusot sa pagitan nina Jimmy Butler at T.J. Warren sa kasagsagan ng third quarter kung saan nag-angasan at nagpatutsadahan ang dalawa.