-- Advertisements --

Tinambakan ng Miami Heat ang Golden State Warriors kasabay ng unang pagbabalik ni Jimmy Butler sa Kaseya Center mula nang nai-trade siya sa Warriors.

Walang nagawa ang Golden State kungdi panuurin ang Miami sa tuloy-tuloy ng pagbuhos ng kanilang puntos sa kabuuan ng laban.

Inalat din ang Golden State kung saan sa 2nd at 4th quarter at tanging 18 at 16 points ang naipasok ng koponan habang nagawa ng Miami na panatilihin ang mahigit 26 points sa bawat quarter.

Nanguna sa panalo ng Miami si Bam Adebayo na kumamada ng 27 points at walong rebounds habang 20 points at pitong assists ang ambag ng sharpshooter na si Tyler Herro

Umabot lamang sa 15 points ang pinakamataas na individual score na naipasok ng Golden State sa pamamagitan ni Jonathan Kuminga.

Mistulang pinaghandaan ng Miami ang unang pagkakataon na bumalik si Butler at nagawa nilang limitahan ang kanilang dating star player na si Jimmy Butler sa 11 points at anim na rebound.

Maging ang defensive specialist na si Draymond Green at nalimitahan lamang sa dalawang puntos sa loob ng 23 mins na paglalaro. Nagawa din niyang umagaw ng limang rebound at magbulsa ng tatlong assists sa pagkatalo ng Golden State.

Sa kabila ng pagkatalo, nananatili pa rin ang GSW sa rank No. 6 sa western conference, hawak ang 41-31 win-loss record.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin naglalaro si NBA superstar Stephen Curry matapos ang kaniyang pagbagsak sa hardcourt, ilang araw na ang nakakalipas. Gayonpaman, bumiyahe naman si Curry sa Miami at sumama sa pre-game workout ng koponan.