MIAMI – Ibinilang na rin ng Miami Heat ang Minnesota Timberwolves sa kanilang mga biktima matapos tambakan sa score na 123-105.
Sa huling 28 games, limang beses pa lamang natalo ang Miami kaya’t pasok na sila sa top eight sa Eastern Conference.
Nanguna sa opensa ng Miami sina Hassan Whiteside na may 23 points at 14 rebounds habang si Tyler Johnson naman ay nagpakitang gilas sa pamamagitan ng 23 points mula sa bench.
Tumulong naman si Goran Dragic ng 19 points at 10 assists para sa Miami sa kabila na nawala si Dion Waiters dahil sa sprained ankle sa second quarter ng laro.
Namayagpag ng husto ang Heat sa pamamagitan ng mainit na shooting na tumipa ng season-best na 59 percent, sa pangunguna ni Whiteside na meron lamang isang sablay sa 11 attempts.
Sa assists naman ay angat na angat ang Miami na may natipong 29 habang halos kalahati lamang ang nagawa ng Timberwolves na may 14.
Aminado si Whiteside na makikita sa inilalaro ng mga players na gutom sila.
Aniya, kung tutuusin marami sa kanilang mga kasama ang minaliit lamang ang kakayahan ng ibang teams sa NBA pero nag-iba na umano ang timplada ngayon.
Ang Filpino-American head coach na si Erik Spoelstra ay hindi na naitago ang pagkabilib sa itinatakbo ng kanilang kampanya.
Inihalintulad niya ang kanyang team ngayon sa “enthusiasm at passion” sa dati niyang team noon na grupo nina LeBron James at Dwayne Wade.
“The enthusiasm, the passion to follow this team probably matches that – and I think that’s pretty cool,” ani Spoelstra na labis din ang pagmamalaki bilang may dugong Pinoy dahil sa pagdiriwang ng NBA na Filipino heritage week.
Sa ngayon naitala na ng Miami ang 23 panalo sa huling 28 games o 15 panalo sa 16 na home games.
Samantala sa panig ng Wolves (28-40) nauwi naman sa panghihinayang ang pagpupursige nina Karl-Anthony Towns na may 31 big points at 11 rebounds na kumamada pa ng 21 mula sa 22 attempts sa foul line.
Maganda rin ang ipinakita nina Andrew Wiggins na may 25 points at si Ricky Rubio na nagdagdag ng 20 pero hindi pa rin umubra sa inspiradong Heat (34-35) players.
Next game naman ng Heat sa Lunes ay host sila kontra sa Portland kung saan tatangkain nilang makabawi bunsod ng 0-5 standing sa kanilang match up ngayong season.