Balik operasyon na ngayong Sabado, Marso 22 ang Heathrow Airport sa London matapos ang power outage dahil sa sumiklab na malaking sunog sa katabing electrical substation na nakaantala sa biyahe ng mahigit 200,000 pasahero.
Ayon sa British Airways, 8 sa kanilang naantalang flights ay nakaalis na mula sa Heathrow airport nitong gabi ng Biyernes.
Bagamat ayon sa UK flag carrier, inaasahang mago-operate ito sa 85% capacity pa lamang ngayong Sabado at nagabiso sa mga pasahero na asahan ang pagkaantala sa kanilang flights sa mga susunod na araw.
Ang Air Canada naman at United Airlines ay inanunsiyo din ang pagpapatuloy ng kanilang scheduled flights patungo at paalis ng Heathrow airport nitong gabi ng Biyernes.
Una rito, ayon sa London Fire Brigade (LFB), sumiklab ang sunog sa isang transformer na naglalaman ng 25,000 litro ng cooling fluid. Bilang resulta, mahigit 65,000 kabahayan sa lugar ang nawalan ng suplay ng kuryente gayundin ang paliparan.
Nagkasa naman na ng imbestigasyon sa sanhi ng sunog na nakatuon sa electrical distribution equipment.
Ang Heathrow airport nga ang pinakamalaking aviation hub sa United Kingdom kung saan pumapalo sa 83.9 milyong pasahero ang naitala sa paliparan noong nakalipas na taon.