(Update) BAGUIO CITY – Pinaghahanap na ngayon ng mga pulis at militar ang dalawang suspek na sumunog sa isang sasakyan sa loob ng Chico River Irrigation Pump Project sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay Brig. Gen. Henry Doyaoen, commander ng 503rd Infantry Brigade ng Philippine Army, base sa inisyal nga imbestigasyon ay nakita sa pinangyarihan ng insidente ang mga bakas ng mga paa ng dalawang tao.
Aniya, may dalawa umanong dating empleyado ng proyekto na naalis dahil sa misdemeanor o palaging pagliban sa trabaho kung saan ang mga ito ang kinokonsidera nilang posibleng mga suspek sa napigilang pagkasunog ng pay loader.
Kinokonsidera aniya ng militar na minor incident ang nasabing arson attempt ng mga naalis na empleyado ngunit iniimbestigahan pa rin ito ng pulisya.
Dinagdag ni Doyaoen, hindi nila ikinokonsidera na gawain ito ng New People’s Army dahil iba ang paraan ng mga rebelde sa pagsunog ng mga equipment at agad nila itong dinedeklara.
Sinabi niya na gumamit ang mga suspek ng mga newspapers at plastic sacks ng palay sa pagsunog ng nasabing pay loader.
inihayag pa ng opisyal, mananatili ang presensia ng mga pulis at militar sa nasabing proyekto ng pamahalaan para mabantayan ang pagtagumpay nito.
Ang Chico River Irrigation Pump Project ay napondohan ng China sa ilalim ng Build, Build, Build Infra Program ng Duterte administration na magbebenipisyo sa mga residente ng Tuao at Piat sa Cagayan at Pinukpuk sa Kalinga.