Itinaas ng state weather bureau ang heavy rainfall warning sa ilang mga probinsya sa Bicol at Eastern Samar Region ngayong gabi, Peb. 10 dahil sa pag-iral ng shear line.
Dahil dito, nagbabanta ang pagpapatuloy pa ng malawakang pagbaha sa mababang lugar at pagguho ng lupa dahil sa pagkababad sa tubig-ulan.
Kinabibilangan ito ng probinsya ng Albay, Northern Samar, Sorsogon, at Catanduanes.
Inaasahang magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan sa mga naturang probinsya sa loob ng ilang oras.
Ang mga probinsya ng Camarines Sur at Camarines Norte sa Bicol Region ay inaasahan namang makakaranas ng mas mahihinang pag-ulan ngunit may potensyal pa ring maging dahilan ng malawakang pagbaha, lalo na kung magpatuloy sa loob ng ilang oras.
Sa kasalukuyan, ilang mga lugar sa Bicol Region na ang lubog sa tubig-baha dahil sa mga serye ng pag-ulan.