-- Advertisements --
tyson fury melo
Boxing heavyweight champ Tyson Fury with the author at MGM Grand

Binati ni Tyson “Gypsy King” Fury maging ang kanyang mga Pinoy fans matapos na masungkit ang korona na hawak ng kampeon na si Deontay “Bronze Boomer” Wilder na ginanap sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Ang pagbati ni Fury ay ipinaabot sa panayam ng inyong lingkod kasunod nang pagbubunyi ng Briton at mga fans upang gulatin ang mundo ng boksing.

“Hello, to my Filipino fans,” bulalas ni Fury habang palabas ng MGM Grand na pinagkaguluhan ng mga fans.

Una rito sa naturang rematch nagtapos ito sa seventh-round stoppage para kunin ni Fury ang WBC heavyweight title ni Wilder.

Dinomina ni Fury ang laban kung saan dalawang beses niyang pinatumba si Wilder sa third at fifth round bago tuluyang ibato ng kampo ni Wilder ang towel sa ika-pitong round.

Maagang pumutok ang labi ni Wilder mula sa mga jabs ni Fury bago tuluyang mayanig sa third round matapos ang isang right hook na nagpadugo sa tenga ni Wilder.

Bagama’t nakabangon si Wilder ay hindi naging maayos ang tayo nito.

Makailang beses pa itong nadulas hanggang sa matumba ulit sa fifth round gamit ang isang body punch ni Fury.

Nananatili namang walang talo si Fury na may 30 panalo, 21 knockouts at isang draw samantalang ibinigay nito ang kauna-unahang talo ni Deontay na ngayon ay may 42 panalo, 41 knockouts, isang talo at isang draw.

Natuldukan na rin ang pagkapanalo ni Fury sa kontrobersyal nilang draw noong 2018.

fury wilder 2
Fury vs Wilder 2 at MGM Grand in Las Vegas (photo grab from Doc John Melo)